-- Advertisements --
Screenshot 2020 08 01 10 50 46

LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng pamunuan ng Philippine Army na killed in action ang dalawang sundalo sa nangyaring sagupaan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at tinatayang nasa 40 kasapi ng rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Barangay Daganas, Bulan, Sorsogon.

Nakilala ang mga nasawi na sina Cpl. Arnel Divinagracia at Private First Class (PFC) Greyan Andus.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay 31st IB commander Lt. Col. Eric Culvera, nagpaabot ito ng pakikiramay sa pamilya ng dalawang sundalo na nagbuwis ng buhay matapos ang halos 45 minutong palitan ng putok.

Nabatid na namatay din sa engkwentro ang isang babaeng rebelde na patuloy na inaalam ang pagkakakilanlan, habang pinaniniwalaang maraming iba pa ang sugatan sa hanay ng mga NPA.

Narekober din sa pinangyarihan ng insidente ang M60 machine gun, M16 rifle at ilang supersibong dokumento.

Naniniwala naman si Culvera na posibleng nagpaplano ang naturang grupo na sumalakay at magdulot ng kaguluhan sa bayan upang ma-recover ang mga kasamahan nitong mga high value target.

Samantala nagdagdag naman ng pwersa ang mga sundalo sa lalawigan para sa nagpapatuloy na hot pursuit operations.