Ipinagkaloob ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga opisyal ng pamahalaan ang lahat ng karagdagang kapangyarihan na ibinigay sa kanya ng Kongreso sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act maliban na lamang sa dalawa.
“To assure the public of the restrained and responsible exercise of the powers granted to the President, he reserved the two powers that have the gravest potential impact on the private sector, if done without utmost care,” bahagi ng report na isinumite ng Malacañang sa Kongreso.
Isa rito ay ang kapangyarihan na pangasiwaan ang operation ng anumang privately-owned hospitals at medical at health facilities tulad ng mga passenger vessels at iba pang establisiyemento, na magsislbong pansamantalang tirahan ng mga health workers, quarantine areas at centers, medical relief at aid distribution locations, o karagdagang temporary medical facilities.
Sa ilalim ng batas, maari lamang i-take over ni Pangulong Duterte ang operation ng mga establisiyemento na ito kung tumanggi o magpahayag ang mga ito na hindi na nila kaya pang mag-operate sa pagresolba sa COVID-19 pandemic.
Ang ikalawang karagdagang kapangyarihan na inireserba ng Pangulo para sa kanyang sarili lamang ay ang kapangyarihan na obligahin ang mga negosyo na gawing prayoridad ang delivery ng mga produkto at serbisyo na higit na kailangan sa laban kontra umiiral na public health crisis.
Nakasaad sa report na gagamitin lamang ng Pangulo ang mga kapangyarihan na ito kapag higit na kakailanganin lamang.
Noong nakaraang linggo, nag-convene ang Kongreso sa isang special session para aprubahan ang Bayanihan to Heal as One Act.
Sa pamamagitan ng batas na ito ay nabigyan ng karagdagang kapangyarihan ang Pangulo, na maari lamang gamitin sa loob ng tatlong buwan para maresolba ang problema sa COVID-19.