-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nasa kustodiya na ng Uson Municipal Police Station sa Masbate ang dalawang sinasabing kasapi ng Special Partisan Unit (SPARU) ng New People’s Army (NPA) na naaresto sa naturang bayan.

Nabatid na lulan sina Alex Goyala alias Nonoy at Leo Briol alias Leon ng motorsiklo nang matunton ng pinagsamang pwersa ng pulisya at 2nd Infantry Battalion (2IB) ng Philippine Army.

Inihayag ni 9th Division Public Affairs Office chief Major Ricky Aguilar sa Bombo Radyo Legazpi na nag-ugat ang combat operation sa ipinarating na impormasyon ng isang concerned citizen.

Karaniwan aniyang sangkot ang naturang unit ng NPA sa ilang insidente ng pamamaslang na target ang mga kasapi ng PNP, CAFGU maging ang ilang sibilyan.

Naniniwala naman si Aguilar na maliban sa dalawa, may mga kasama pang nasa bayan ang mga naaresto kaya’t mas magiging agresibo umano sila sa kanilang kampanya laban sa insurhensya.

Sasampahan ang mga ito ng mga kasong may kinalaman sa illegal possession of firearms and explosives matapos na makuhanan ng dalawang caliber .45 pistols, magazine na may service ammunitions at isang hand grenade.

Samantala, patuloy naman ang paghikayat ni Aguilar sa mga rebelde na magbalik-loob na sa pamahalaan at magpasimula ng panibagong buhay na malayo sa kaguluhan.