ROXAS CITY – Iniimbestigahan na ng mga otoridad ang kaso ng panloloob sa dalawang simbahan sa Capiz kung saan ilang donasyon umano ang tinangay ng mga magnanakaw.

Ayon kay Msgr. Butch Abalajon ng San Pedro Calungsod mission station, nakita na lang nila na bukas ang pintuan ng simabahan.

Nang suriin, doon nabatid na pinwersa o sinira ang kandado gamit ang metal cutter.

Kabilang sa pinaniniwalaang natangay ng mga salarin ang ilang gamit ng simbahan gaya ng tabernakulo na siyang pinaglalagyan ng banal na tinapay at alak.

Sa hiwalay na insidente naman, ikinagulat din ni Msgr. Alden Bolivar ng St. Theresa Avila mission station nang madatnang ninakawan na ang kanilang donation box.

Maging ang mga gamit na speakers ng simbahan ay kinuha rin umano ng mga kawatan.