-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Agad na naaresto ng mga pulis ang lalaking tumaga sa kanyang dalawang kapatid na senior citizens sa Brgy. Mansilingan, Bacolod City, Negros Occidental.

Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni police Lt. Florentino Abalayan, station commander ng Bacolod Police Station 7, na nakainom ang suspek na si Harland Robles nang puntahan ang bahay ng kanyang ate na sina Julianita at Ofelia Robles sa Purok Riverside kagabi.

Hinamon umano ng suspek ang 75-anyos na si Julianita at 73-anyos na si Ofelia na lumabas sa kanilang bahay ngunit hindi nila pinansin ang kapatid.

Matutulog na sana ang dalawa nang pumasok ang suspek sa kanilang bahay sa pamamagitan ng pagdaan sa likurang pinto at sugurin ang mga kapatid sa kanilang silid.

Pinagtataga ni Harland ang dalawa hanggang magtamo ng sugatan ang isa sa kanila sa kamay at noo. Ang isa naman ay nasugatan sa kaliwang kamay.

-- Advertisement --

Nagawa pa raw ng mga biktima na manlaban sa pamamagitan ng paghampas sa ulo ng biktima na nagresulta sa kanyang pagkasugat.

Matapos nito ay tumakas ang suspek ngunit nahuli sa manhunt operations. Batay sa imbestigasyon, matagal ng alitan sa ibinibentang lupa ang motibo sa krimen.

Sasampahan na ng kasong frustrated homicide ang nakababatang kapatid na salarin.