-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Nadiskobre ng mga pulis na magkakilala ang dalawa sa walong bangkay na natagpuan sa bahagi ng Marcos Highway sa Poyopoy, Taloy Sur, Tuba, Benguet.

Kinumpirma ito ni Benguet Police Provincial Office (PPO) director P/Col. Elmer Ragay ngunit tumanggi itong magbigay ng karagdagang impormasyon ukol sa kung ano ang koneksyon ng dalawa.

Aniya, magkakilala ang ikatlo at ikawalong bangkay na narekober sa Tuba, na una nang nakilalang sina Kent Charlie Licyayo ng Hilltop, Baguio City at Fahad Manan Macalanggan ng Crystal Cave, Baguio City.

Sinabi niya na magsasagawa pa sila ng karagdagang operational research o kompletong background investigastion para malaman kung may mga nakaraang kaso sina Licyayo at Macalanggan.

Batay sa report ng Benguet PPO, parehong huling nakita ang dalawa noong October 8 bago sila naideklarang nawawala.

Huling nakita si Licyayo sa isang bus terminal sa Baguio City, habang si Macalanggan ay sa kanilang tahanan.

Iginiit ni Col. Ragay na wala siyang ibang hangad kundi ang pagdiskobre sa totoong nangyari at pagkilala sa mga perpetrators para madakip ang mga ito at maisilbi ang hustisya sa mga biktima.

Pinabulaanan din nito ang anumang kuru-kuro na may kinalaman ang mga pulis o kaya ay mga vigilante sa nangyari sa mga bangkay.

Una rito, bumuo na ang Benguet PPO ng task force na tututok sa insidente.