Patay ang dalawa sa tatlong convicts na tumakas sa maximum security compound sa New Bilibid Prison (NBP) sa ikinasang joint operations ng PNP at Bureau of Corrections sa dalawang magkahiwalay na lugar sa Muntinlupa City.
Batay sa report ng Muntinlupa City Police Station, unang nasawi sa ikinasang manhunt operations si Pacifico Villaruz.
Naganap ang pursuit operations sa may bahagi ng Magdaong na isang residential compound area sa Muntinlupa.
Batay sa ulat, dalawang police guards ang sugatan sa nasabing operasyon.
Si Villaruz ay convicted sa kasong frustrated homicide at paglabag sa Section 15 Article II ng Republic Act No. 9165 at may pending pa na homicide case.
Bandang alas-3:00 kaninang hapon, napatay din sa isang enkwentro ang isa pang convict sa may bahagi ng MCX patuong Cavite, Poblaciom, Muntinlupa City.
Napatay sa nasabing enkwentro si Arwin Bio y Villeza na may kasong murder at attempted murder.
Sa ngayon, patuloy na pinaghahanap ang convict na si Drakilou Yosores.
Samantala, inalerto ng PNP ang lahat ng kanilang mga Units para tumulong sa Bureau of Corrections (BUCOR) sa paghuli sa isa pang preso na nakatakas sa New Bilibid Prison kaninang madaling araw.
Ayon kay PNP Spokesperson PCol. Roderick Augustus Alba, naglabas na ng all-Points bulletin sa lahat ng PNP Units sa NCR at mga karatig lalawigan para sa pagdakip sa mga pugante.
Dahil sa nagsisilbi na sila ng kanilang sentensya, sinabi ni Alba na maaring arestohin ang mga ito ng walang warrant kung sila ay makita.
Kinokonsidera ang mga ito na “Armed and dangerous”, at umapela ang PNP sa publiko na Ireport kung mamataan ang mga ito, sa BUCOR sa teleponong 09186001081 o sa pinakamalapit na himpilan ng pulis.
















