Dalawang road sections ang nananatiling sarado at hindi madaanan sa Region 13 matapos tumama ang Tropical Storm Auring.
Base sa report ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Bureau of Maintenance, sinabi ni DPWH Secretary Mark A. Villar na isa sa mga kalsada ay matatagpuan sa Surigao-Davao Coastal Road, Hubo Bridge sa San Agustin, Tandag City, Surigao del Sur.
Ang naturang kalsada ay mananatiling sarado hanggat hindi pa humuhupa ang tubig sa lugar.
Sa ngayon, patuloy naman ang paglalagay ng DPWH ng road safety devices para sa mga motorista at pedestrians.
Samantala, isinara na rin ang Dinagat-Loreto Road section at naglagay na rin ang DPWH ng mga barikada t signages para sa kaligtasan ng publiko at maiwasan ang mas malala pang damage sa kalsada.
Sa ngayon one-lane o two-lane passable naman ang mga apektadong road sections sa Negros Occidental, Agusan del Norte. Agusan-Misamis road, at iba pang sections ng Surigao-Davao Coastal Road.
Bilang paghahanda rin sa epekto ng bagyo, sinabi ni Villar na ang DPWH Quick Response Teams ay nakahanda na.
Nasa 4,432 maintenance crew at 818 clearing operations equipment ngayon ang naka-puwesto na sa Regions 4-A, 4-B, 7, 8, 10, 11, 12 at 13.
Nasa 1,055 personnel naman ang kanilang idineploy kasama ang 239 equipment sa Region 10, 11, 12 at 13.