-- Advertisements --
Batangas Taal

Kinumpirma ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nananatiling sarado pa sa lahat ng motorista ang dalawang road section sa lalawigan ng Batangas.

Sa pinakahuling ulat na inilabas ngayong araw ng DPWH, sarado pa rin ang Tanauan-Talisay-Tagaytay Road at ang Talisay-Laurel-Agoncillo Road dulot ng pinatutupad na lockdown.

Bilang pag-iingat na rin ng kanilang mga personnel, ang paglilinis at paghahakot ng abo sa lugar pati na ang pagpuputol ng mga nasirang punongkahoy ay kanila na lamang ipinatutupad sa labas ng 14 kilometer radius danger zone.

Habang ang lahat ng clearing operations sa mga lugar na nakapalob rito ay kanila munang sinuspinde.

Nanatili naman na on standby ang mga personnel at equipment ng DPWH sa kanilang tanggapan sa DPWH 3rd District Engineering Office (DEO) sakaling magpatuloy ang rescue at clearing operations.

Aabot sa kabuuang 499 personnel at 103 equipment ang ipinakalat ng DPWH Region 4-A para sa kinakakilangang operasyon.

Bahagi nito ang pag-aayuda sa mga motorista at paghahatid din ng mga relief goods sa mga evacuation centers sa mga apektadong lugar.

Muli naman inabiso ng DPWH, lahat ng mga road sections sa National Capital Region (NCR), Region 3, Region IV-B ay passable sa lahat ng mga motorista.