Walang dapat ikabahala sa namataang 2 research vessels ng China na umaaligid sa Philippine Rise na pasok sa exclusive economic zone ng Pilipinas noong nakalipas na linggo.
Ito ang inihayag ni Philippine Navy spokesperson Commodore Roy Vincent Trinidad.
Paliwanag ng opisyal na base sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) awtorisadong dumaan ang maritime traffic sa exclusive economic zone ng isang coastal state.
Umalis na din aniya ang mga nasabing barko ng China mula sa EEZ ng bansa noong araw ng Sabado matapos ang tinatayang 3 araw na paglalayag ng mga ito.
Una na ngang iniulat ng US maritime security analyst na si Ray Powell sa kaniyang X account na umalis mula Guangzhou, China noong Pebrero 26 ang 2 Chinese research vessel at naglayag umano sa pamamagitan ng Basco, Batanes at namataan noong Marso 1 na nasa bisinidad ng silangang bahagi ng Luzon sa Northeast corner ng PH Rise.
Base naman sa tracking ng Naval Forces Northern Luzon, sinabi ni Comm. Trinidad na ang general direction ng 2 Chinese vessels ay papuntang Pacific Ocean kayat posibleng nagsagawa lamang umano ang mga ito ng isang normal transit passage sa lugar.
Huli aniyang namataan ang mga barko ng China 600 nautical miles silangang bahagi ng Casiguran, Aurora o labas na ng EEZ ng bansa nitong umaga ng Linggo.
Sa kabatiran naman ng publiko, ang PH Rise ay kilalang mayaman sa yamang dagat na nagsisilbing fishing ground at marine biodiversity hotspot. Mayaman din ito sa potential na mineral at langis.
Tahanan din ito sa mga di pangkaraniwang corals at daan-daang species ng mga lamang dagat. Nagsisilbi din itong spawning ground at nursery ng migratory fishes gaya ng pambihirang Pacific bluefin tuna.