Pinasisilip na ng Department of Justice (DoJ) kay Bureu of Corrections (BuCor) Chief Gerald Bantag ang lumutang na balitang tinangka ng dalawang pulis na magpasok ng kontrabando sa New Bilibid Prison (NBP).

Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, nais niyang agad aksiyunan ni Bantag ang aniya’y “disturbing” report.

Una rito, lumabas ang mga balitang nahuli ang dalawang PNP personnel na nakadestino sa NBP matapos mahulihan ng alak na nakalagay sa bote ng ice tea at sigarilyo.

Ang mga pulis ay mga miyembro raw ng National Capital Region Police Office’s Special Weapons and Tactics (NCRPO-SWAT) unit.

Sinasabing naibebenta ang isang bote ng alak sa loob ng national penitentiary sa halagang P10,000 hanggang P20,000.