-- Advertisements --

DAVAO CITY – Kinumpirma ng Department of Health Davao Region (DOH-Davao) na may dalawang patients under investigation (PUIs) sa Davao region ang pumanaw na. 

Subalit hinihintay pa rin hanggang sa ngayon ang resulta ng COVID-19 test na isinagawa sa mga ito na ipinadala naman sa Research Institute for Tropical Medicine upang sa gayon ay matukoy ung may kaugnayan sa bagong strain ng coronavirus ang kanilang pagkamatay.

Sa kasalukuyan, pumalo na sa 61 ang bilang ng PUIs sa Davao Region, kung saan 28 dito ang nasa ospital habang 31 pa rito ang naka-labas na ng pagamutan matapos na mag-negatibo sa sakit.

Tumaas naman sa  2,396 ang bilang ng persons under monitoring (PUM), kung saan 217 ang cleared habang 2,178 ang patuloy na inoobserbahan. 

Sinabi ni Ricardo Audan, Southern Philippines Medical Center (SPMC) Chief of Clinics and Health Emergency Management Bureau coordinator, na natanggap na nila ang COVID-19 testing kits mula Manila.

Sa pamamagitan nito mas mapapadali na aniya sa ngayon ang pagtukoy nila sa kung sino ang positibo at negatibo sa nakakamatay na sakit na ito.