Nakatakdang idaos ng Pilipinas at Estados Unidos ang kanilang isasagawang 2-plus-2 ministerial talks sa Washington sa darating na Abril 11, 2023.
Ito ay dadaluhan ng mga matataas na opisyal ng dalawang bansa kabilang na sina Philippine Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, Philippine Defense Secretary Carlito Galvez Jr., US State Secretary Antony Blinken, at US Defense Secretary Lloyd Austin III.
Sa isang statement na inilabas ng US State Department ay sinabi nito na layunin ng naturang pagpupulong na muling pagtitibayin nina Secretary Blinken at Secretary Austin ang matatag na pangako ng Estados Unidos sa alyansa nito sa Pilipinas, para sa kapayapaan, katatagan, at kaunlaran sa rehiyon ng Asia-Pacific sa loob ng mahigit 70 taon.
Bukod dito ay target din nito na palakasin pa ang “malapit na pakikipagtulungan ng dalawang bansa sa pagsusulong ng isang libre at bukas, konektado, maunlad, ligtas, at matatag na rehiyon ng Indo-Pacific.
Kung maaalala, Pebrero ng taong kasalukuyan ay nagkasundo ang Pilipinas at Amerika na palawakin pa ang kooperasyon nito sa mga strategic places sa bansa kasabay ng pasisikap na kontrahin ang lumalalang pagbabanta ng China sa Taiwan at pagtatayo ng mga base ng China sa West Philippine Sea.
Kaugnay nito ay inanunsyo na rin ng Malacañang nitong Lunes ang lokasyon ng 4 na bagong base na magagamit ng tropang US sa Pilipinas sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement.