Nasawi ang dalawang (2) piloto matapos bumagsak ang kanilang air cargo plane sa labas ng paliparan ng Busuanga sa Barangay Decalacho, Coron, Palawan noong Huwebes ng umaga, ayon sa Philippine National Police Aviation Security Group (PNP-ASG).
Ayon sa pahayag ng PNP-ASG, ang insidente ay kinasasangkutan ng Volpar BE18 air cargo plane na bumagsak bandang alas-11 ng umaga ng Abril 2.
“Initial investigation revealed that the aircraft had arrived from Sangley Airport to pick up live fish products and was bound to return to Sangley upon takeoff when it suddenly crashed and exploded,” ani ng PNP-ASG.
Narekober ang mga bangkay ng piloto at co-pilot bandang alas-3 ng hapon sa ginawang search and retrieval operation.
Ang mga labi ay dinala na sa 5R Funeral Services sa Coron, Palawan para sa tamang identification.
Pansamantalang isinara muna ang runway ng Busuanga Airport matapos ang aksidente at muli ring binuksan sa oras na iyon.









