ILOILO CITY – Nag-iwan ng dalawang patay ang nangyaring shootout sa Barangay Atabay, San Jose, Antique.

Kinilala ang nasawi na sina Erwin James Checa, may-ari ng computer shop at ang kasambahay na si Anna Cleto.

Maliban sa mga namatay, apat ang sugatan kabilang sina Pol. Staff Sgt. Cyril Valdevieso at Pol. Staff Sgt. Albert Talidong na kapwa miyembro ng San Jose Municipal Police Station; Stephen Checa na correspondent ng isang local newspaper, at ang suspek na si Venom Dio Mangilaya.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo, rumesponde sa lugar ang mga pulis matapos nakatanggap ng impormasyon na may nangyaring pamamaril sa computer shop.

Pagdating ng mga pulis sa lugar, doon na nangyari ang shootout.

Tinangka pang tumakas ng suspek ngunit nadakip din ng mga otoridad.

Dinala pa sa pinakamalapit na ospital ang mga sugatan kabilang na ang suspek at dalawang pulis.