VIGAN CITY – Dalawa ang patay sa magkahiwalay na aksidenteng nangyari sa lalawigan ng Ilocos Sur sa kalagitnaan ng enhanced community quarantine dahil sa COVID- 19.
Alas dyes ng Martes ng umaga ng mangyari ang aksidente sa national highway ng Barangay Jordan, Sinait na kinasangkutan ng isang tanker na minaneho ni Geoffray Abucay, 55-anyos na residente ng Barangay 61, Cataban, Laoag City, Ilocos Norte at isang Honda TMX motorcycle na minaneho ni Mark Rafael Ines, 34-anyos, food handler at residente ng Barangay Baracbac, Sinait, Ilocos Sur.
Patungong timog na direksyon si Ines na nakasakay sa motorsiklo at nang makarating sa pinangyarihan ng aksidente, nawala umano ang kontrol ni Ines sa manibela ng motorsiklo kaya nito naagaw ang linya ng kasalubong na tanker.
Dahil dito, nagtamo ng malalang sugat sa ulo si Ines na kaagad naitakbo sa pinakamalapit na ospital ngunit naideklerang dead on arrival habang ang driver ng tanker ay hindi naman nasugatan.
Samantala, alas kwatro y media naman ng hapon kahapon ng mangyari ang aksidente sa Sitio Romas, Barangay Suso, Sta. Maria na kinasangkutan ng isang Toyota Hi-ace Van na minaneho ni Julian Baldeo Mendoza, 33-anyos na residente ng Valenzuela City at motorsiklo na minaneho ni Ramon Reyes Tejero, 47-anyos na residente ng Nagtupacan, Sta. Maria.
Parehong patulong hilagang direksyon ang mga nasabing sasakyan nang makarating sa pinangyarihan ng aksidente ay nabangga ng Hi-Ace van ang likurang bahagi ng motorsiklong nasa harapan nito.
Dahil sa lakas ng impact ng pagkabangga ng Hi-Ace sa motorsiklo, tumilapon ang driver ng motorsiklo at nagtamo ng malalang sugat sa ulo na siyang ikinamatay nito.