CAUAYAN CITY – Dalawang katao ang namatay, isa ang nasugatan sa pagsalpok ng motorsiklo sa isang bahay at pagbangga ng elf truck sa tricycle na magdadala sana sa ospital sa nasugatang sakay ng motorsiklo sa Benito Soliven, Isabela.

Kinilala ang nasawing motorcycle driver na si Paulino Vergara, 42, habang sugatan ang sakay na si Jessie Arreniego, 45 anyos, kapwa residente ng Andabuen, Benito Soliven.

Ang namatay naming driver ng tricycle ay natukoy na si Rendel Cayanan, 27, taga-Cataguing, bayan ng San Mariano.

Lumabas sa imbestigasyon ng Benito Soliven Police Station na binabagtas ng motorsiklo na minaneho ni Vergara ang daan patungong forest barangay nang mawalan ng kontrol sa manibela at sumalpok sa kongkretong bahay.

Agad silang tinulungan ng driver ng elf at isusugod sana sa ospital ang mga nasugatang biktima nang mabangga nito ang tricycle at pick up na nagresulta ng pagkasugat ng tsuper ng tricycle.

Agad dinala ang mga nasugatang biktima sa San Mariano Community Hospital ngunit dead on arrival si Vergara.

Nasawi naman si Cayanan habang nilalapatan ng lunas.

Nasa ligtas naman nang kalagayan ang isa pang nasugatan na si Arreniego.