KALIBO, Aklan — Dalawa ang patay kabilang ang isang dalawang taong gulang na bata matapos mahulog ang sinasakyang elf truck sa gilid ng national highway na sakop ng Barangay Nagustan, Nabas, Aklan.
Ayon kay Raul Buiza, 54, residente ng Barangay Ochando, New Washington, Aklan at driver ng elf truck na papunta sana sila sa outing sa beach sa Malumpati sa lalawigan ng Antique kasama ang nasa 20 kaanak nang hinarang ang mga ito sa quarantine checkpoint dahil sa mga dalang karne ng baboy na mahigpit na ipinagbabawal na makapasok sa naturang probinsiya bunsod ng African Swine Fever (ASF).
Nagpasya umano ang grupo na bumalik at ituloy ang outing sa Hurum-Hurom Cold Spring sa Barangay Laserna, Nabas, Aklan, ngunit pagdating sa Barangay Nagustan sa naturang lugar ay biglang sumabog ang gulong sa unahang bahagi ng sasakyan at binangga ang barrier hanggang sa nagdere-deretso at nahulog sa gilid ng daan.
Tumilapon ang mga nakasakay sa likod ng sasakyan dahil sa pangyayari.
Maliban sa dalawang namatay, 10 iba pa ang sugatan na patuloy na ginagamot sa Aklan Provincial Hospital.