CENTRAL MINDANAO – Dalawa ang patay, isa ang nasugatan at isa ang nakaligtas sa pamamaril sa probinsya ng Maguindanao.

Nakilala ang mga binawian ng buhay na sina Anesty Rabelo, nakatira sa Esperanza Sultan Kudarat, at isang Joseph Distor, residente ng Norala South Cotabato.

Sugatan naman si Tang Kamama Acmad at nakaligtas si Donato Golingay, mga nakatira sa bayan ng Esperanza.

Ayon kay Guindulungan chief of police, Captain Sukarnain Kunakon, habang namimili ng uling ang mga biktima sa Barangay Macasempen, Guindulungan ay bigla silang pinagbabaril ng mga hindi kilalang armadong kalalakihan gamit ang M16 armalite rifles.

Patay on the spot sina Rabino at Destor habang sugatan si Acmad na naisugod sa Maguindanao Provincial Hospital.

Nakaligtas naman si Golingay nang ito ay makatakbo patungo sa detachment ng 90th Infantry Battalion Philippine Army.

Nang magresponde ang mga pulis sa bayan ng Guindulungan kasama ang militar, narekober umano sa bulsa ng mga nasawi ang ilang pakete ng shabu at drug paraphernalia.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad sa naturang karahasan.