NAGA CITY – Matagumpay na nailigtas ng mga otoridad ang dalawang menor de edad matapos umanong ikandado ng sariling ina sa loob ng bahay sa Barangay San Felipe, Naga City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay P/Maj. Ariel Blanco, station commander ng Naga City Police Office-Station 3, sinabi nitong may nagpaabot sa kanila ng impormasyon na may dalawang bata na nakulong sa loob ng isang nakakandadong bahay sa naturang barangay.

Kaugnay nito, agad naman aniyang rumesponde ang kapulisan at naabutan ang dalawa at tatlong taong gulang na mga bata.

Sa inisyal na imbestigasyon, sa pakikipag-usap aniya nila sa ina ng mga bata, sinabi nitong pumunta siya sa Bicol Medical Center dahil sa iniindang sakit sa katawan.

Wala lang daw magbabantay sa mga bata dahil nagtatrabaho sa Maynila ang asawa nito kung kaya iniwan na lamang niya sa bahay ang mga ito at ikinandado.

Sa kabilang dako, binalaan pa rin ng pulisya ang ina na sa oras na ulitin pa nito ang insidente, mahaharap na ito sa karampatang kaso.