-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Dalawang pasahero ang nasawi at ilan ang nasugatan sa pagbaliktad ng pampasaherong Bus sa barangay San Manuel, Naguillian, Isabela

Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya na ang Victory Bus Liner na may plakang CXU844 na minamaneho ni Jerome Rivera, 46 anyos, may-asawa at residente ng Calaocan, Santiago City ay bumibiyahe sa national highway barangay San Manuel, Naguillian, Isabela nang biglang bumaliktad matapos hindi kumapit ang preno dahil sa madulas na daan sanhi ng ulan na dala ng bagyong Florita.

Bukod sa pagbaliktad ng bus na patungo sana sa Maynila ay bumangga pa sa concrete electric post ng ISELCO.

Ang mga pasaheho ng Victory Bus Line ay nagtamo ng multiple injuries sa iba’t ibang bahagi ng kanilang.

Ang mga pasaherong sina Dominador Antolin III, 23 anyos, residente ng Arellano St., Dubinan, Santiago City at Myrna Corpuz, nasa tamang edad, may-asawa, residente ng P3 Andres Bonifacio, Diffun, Quirino ay dinala sa Gov. Faustino N. Dy Memorial Hospital, Ilagan City, Isabela ngunit idineklarag dead on arrival si Corpuz .

Habang ang tatlo pang pasahero na sina Marvin Balinag, 34 anyos, may-asawa kasapi ng AFP, residente ng Brgy Barangcuag, Angadanan, Isabela, Wilmer Dumo, 28 anyos, AFP Member, residente ng Placer, Benito, Soliven, Isabela at Oliver Octavio Corpuz, nasa tamang edad, may-asawa at residente ng P3 Andres Bonifacio, Diffun, Quirino ay dinala sa PMPC Memorial Hospital, San Manuel, Naguilian ngunit idineklarang dead on arrival si Oliver Octavio Corpuz.

Ang driver na si Jerome Rivera at konduktor nito na si Richelle Dutdut, 43 anyos, may-asawa, residente ng Poblacion, Sta Ana, Cagayan ay masuwerteng hindi nasugatan

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Jerome Rivera, driver ng Victory Bus na hindi naman mabilis ang kanyang patakbo ng bus ngunit hindi gumana ang preno ng sasakyan sanhi para bumaliktad.

Ang pampasaherong bus ay bibiyahe sana sa kalakhang Maynila nang bumaliktad sa kalagitnaan ng kalsada kaninang 12:10pm habang kasagsagan ng bagyong Florita na nagdala ng malakas na pag-ulan sa lalawigan.