
Napa-deport na ang lahat ng puganteng Hapon na nasa bansa matapos na mapabalik na rin ang dalawa pa sa mga ito na sangkot sa serye ng nakawan sa Japan.
Nitong gabi ng Miyerkules, Pebrero 8, pinadeport sina Tomonobu Saito at Yuki Watanabe na linisan ang bansa lulan ng Japan Airlines Flight 078.
Kinumpirma din ito ni Department of Justice (DOJ) Assistant Secretary Jose Dominic Clavano IV.
Una ng hiniling ng gobyerno ng Japan ang deportasyon ng apat na Japanese nationals na miyembro ng criminal organization na nag-ooperate sa naturang bansa.
Isa sa kanila ang pinaniniwalaang alias “Luffy” na lider ng sindikato na nasa kustodiya ng Bureau of immigration (BI) na hindi pa mapadeport dahil sa nakabinbing criminal cases sa hukuman ng Pilipinas.
Hindi naman tiyak ng DOJ official kung kasama na ang sinasabing Luffy sa mga napadeport na apat na Japanese nationals at pinauubaya na lamang sa gobyerno ng Japan ang pagtukoy sa naturang lider ng sindikato.
Ang deportation ng apat na puganteng Hapon ay naisakatuparan matapos na maibasura ang criminal cases laban sa kanila sa korte.










