-- Advertisements --

ILOILO CITY – Sugatan ang dalawang patrolwomen ng Jordan Municipal Police Station matapos nabiktima ng hit and run.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Captain Kenneth Bermejo, hepe ng Jordan Municipal Police Station, sinabi nito na mula sa isang restaurant at papunta sa bayan ng Jordan ang dalawang babaeng pulis sakay ng motorsiklo nang nabangga ito ng isang multicab.

Ayon kay Bermejo, agad na nagpaharurot ng kanyang multicab ang driver na nagngangalang Wilfredo Borja, 48-anyos na residente ng San Miguel, Jordan, Guimaras, ngunit kinalaunan ay nahuli rin ng mga otoridad.

Sinabi ng hepe na maaaring natakot ang driver nang nakabanggang multicab matapos nalamang pulis ang mga biktima kung kaya tumakas ito.

Nasa mabuti namang kalagayan ang dalawang patrolwomen.