-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Dalawa ang patay sa magkahiwalay na aksidente sa City of Ilagan at Delfin Albano, Isabela.

Nasawi si Janette Mariano na residente ng City of Ilagan matapos na masangkot sa aksidente ang sinasakyan nitong motorsiklong minamaneho ni Lorenz Passion, 20 anyos, may asawa at residente ng Mallig Isabela ngunit kasalukuyang nakatira sa Brgy. Gayong-Gayong, Ilagan City.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng City of Ilagan Police Station, ay binabagtas umano ng sasakyang minamaneho ni Francisco Acorda, 52 anyos, binata, negosyante at residente ng Brgy. San Andres, Ilagan City ang lansangan patungong timog na direksyon habang ang motorsiklo mula naman sa kasalungat na direksyon.

Nang makarating sa pinangyarihan ng aksidente ay nabangga ng tsuper ng motorsiklo ang harap na gulong ng sasakyan na nagresulta upang matumba ang motorsiklo at tumipon ang angkas nito.

Agad na dinala ng rescue 1124 ang backrider na si Mariano na nagtamo ng malubhang tama sa ulo upang malapatan ng lunas subalit idineklarang dead on arrival ng kaniyang attending physician.

Samantala Idineklarang dead on arrival naman ang isang lalaki natapos maaksidente nang mawalan ng kontrol sa mimanaheong motorsiklo sa provincial road na nasasakupan ng Brgy. San Nicolas Delfin Albano, Isabela.

Ang biktima na si Ernanie Milo, 35 anyos, may asawa, isang magsasaka at residente ng Purok Dos Brgy. San Juan, Delfin Albano, Isabela.

Batay sa inisyal na pagsisiyasat ng Delfin Albano Police Station binabagtas umano ng biktima ang naturang lansangan patungong silangang direksyon nang hindi umano nito nakontrol ang kanyang motorsiklo sa pakurbang bahagi ng lansangan.

Bumangga ang biktima at motorsiklo sa isang concrete post na dahilan upang isugod sa pagamutan ngunit binawian din ng buhay.