CENTRAL MINDANAO- Sumuko sa militar ang dalawang miyembro ng Bangsamoro Islamic freedom Fighters (BIFF) sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang mga rebelde na sina alyas Nash at alyas Mhods, mga tauhan ni Kumander Karialan sa BIFF.

Sa ulat ng 602nd Brigade na sumuko ang dalawang BIFF sa Alpha Company ng 7th Infantry Battalion Philippine Army sa tulong na rin ni Pikit Cotabato Mayor Sumulong Sultan at Brgy Buliok Brgy Kapitan Luth Salik.

Dala ng mga rebelde sa kanilang pagsuko ang isang Noveske N4 Carbine,isang Homemade M79 Grenade Launcher, isang short M16 Magazines na may 15 bala ng M16 Armalite rifles at dalawang bala ng high explosive 40mm Grenade Launcher.

Sinabi ni alyas Nash na silay sumuko dahil gusto na nilang mamuhay ng mapayapa kasama ang kanilang mahal na pamilya.

Una nang sumuko sa militar si Kumander Nao na tinaguriang kanang kamay ni Kumander Karialan ang ikalawang paksyon ng BIFF.

Nagpasalamat naman ang 7th IB kay Pikit Mayor Sumulong Sultan at Barangay Chairman Luth Salik na tumulong sa negosasyon sa pagsuko ng dalawang BIFF.

Nanawagan si 7th IB Commander Lieutenant Colonel Niel Roldan sa ibang miyembro ng BIFF na magbalik loob na sa pamahalaan at mamuhay ng mapayapa.