KORONADAL CITY – Sugatan ang dalawang minero matapos na matabunan ng lupa sa nangyaring landslide sa bayan ng Tboli, South Cotabato.
Kinilala ang mga nasugatan na sina Onyok Angkoy, 36, at isang alyas Toto, kapwa residente ng Sitio Mangga, Brgy. Tibolok, Tboli, South Cotabato.
Ayon sa mga biktima, dahil sa lakas ng buhos ng ulan ay hindi nila namalayan na gumuho ang lupa kaya’t natabunan ang mga ito.
Mabuti na lamang at natulungan ang mga biktima na agad dinala sa South Cotabato Provincial Hospital at sa ngayon ay nagpapagaling na.
Sa panayam naman ng Bombo Radyo Koronadal kay Mayor Floro Gandam ng bayan ng Lake Sebu, dalawang barangay din sa kanilang bayan ang naging apektado ng landslide kung saan pahirapan ang daan ngayon sa Brgy. Maculan dahil sa pagguho ng lupa.
Maliban sa mga naitalang landslide, daan daang mga residente naman ang binaha at lumikas sa mga municipal gym ng mga bayan ng Tantangan, Norala at Banga dahil sa malawakang buha dulot pa rin ng malakas na buhos ng ulan kagabi hanggang madaling araw.