-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN -Nasawi ang dalawang menor de edad kabilang ang isang Persons With Disability (PWD) matapos malunod sa isang ilog sa brgy. Pogo Chico, lungsod ng Dagupan.

Ayon kay PLTCOL. Brendon Palisoc, ang Chief of Police ng syudad, nagkayayaan umano ang tatlong kabataan na pawang edad 13 anyos na maligo sa naturang ilog at wala umano silang kasamang nakatatanda.

Ang isa mga ito ay nakaligtas at siya ang nagtawag ng tulong sa mga kabahayang malapit sa pinangyarihan ng insidente.

Agad naman rumesponde ang kanilang hanay katuwang ang Coast Guards at National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) hanggang sa nahanap agad ang isa sa mga ito. Sinubukan pa itong dalhin sa ospital ngunit idineklara na dead on arrival.

Habang natagpuan naman ang isa pang bangkay na palutang-lutang sa tulong ng mga residente.

Saad ni Palisoc, malumanay naman ang agos ng tubig sa ibabaw ngunit malakas ang agos nito sa ilalim at ito ang itinuturong sanhi kung bakit hindi na nagawang makaligtas pa ng dalawang biktima.

Base sa testimonya ng mga magulang ng mga biktima nagpaalam lamang umanong maglaro ang mga ito ngunit hindi nila nabanggit na sila ay maliligo.

Samantala, ang isang kabataang nakaligtas ay nasa kustodiya ng Women and Children Protection Desk (WCPD) para sa counseling dahil sa maaaring trauma na dinanas dahil sa insidente.