BUTUAN CITY – Kinokondena ng Indigenous People’s Mandatory Representative o IPMR sa munisipalidad ng San Miguel, Surigao del Sur, ang umano’y ginawa ng New People’s Army (NPA) na pagpatay sa kasamahan nila sa tribu nitong nakaraang araw.
Base sa impormasyon galing kay IPMR Datu Maca, binaril hanggang napatay ang mga biktima na sina Arnel Cuarteron Martinez, 19-anyos, at menor de edad na si Jeffrey Cuarteron, 17.
Naganap ang insidente sa Barangay Bayugo, San Miguel, Surigao del Sur, kung saan sinasabing walang awa raw na namaril ang NPA.
Samantala, patay naman sa saksak-patay sa parehong araw si “CAA” Jerry Sandaya Budong.
Ang suspek daw ay isang sibilyan na nagngangalang Lendon Budong sa Barangay Bitaugan ng nabanggit na lalawigan.
Nanawagan na lamang si Datu Maca ng suporta sa mga Surigaonon, gayundin sa mga politiko, business sector, government agencies sa local at national, religious sector, samahan ng mga magsasaka, kabataan, media sector, at lahat ng uri ng organsasyon, na magkaisa upang matapos ang problema sa insurhensiya.