Dalawang mangingisda ang nasagip ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard matapos na lumubog ang kanilang sinasakyang bangka sa bahagi ng katubigang sakop ng Romblon.
Batay sa inisyal na ulat na inilabas ng PCG, hinampas ng malaking alon at tinangay ng malakas na hangin ang bangka ng naturang mga mangingisda na naging sanhi ng paglubog nito.
Nang matanggap ang mga report ukol dito ay agad na nagpadala ng mga tauhan ang Coast Guard Sub Station Romblon Romblon at Special Operation Unit-Romblon sakay ng kanilang speedboat na TEBEN at Coast Guard Sub Station Magdiwang na lulan naman ng ONE ROMBLON SAR motorboat para sa agarang search and rescue operations sa mga biktimang mangingisda.
Kinilala ng mga otoridad ang mga nabiktimang mga mangingisda na sina Rolando Riano, 69 taong gulang, at Meynard Riano, 37 taong gulang, na kapwa mga residente ng Brgy. Agtiwa, San Fernando, Romblon.
Nang abutan ng mga tauhan ng PCG ang dalawa ay natulungan na ng mga tripulanteng sakay ng cargo vessel na M/V SITC CAGAYAN na napadaan sa naturang lugar nang mangyari ang naturang insidente.
Kasunod nito ay agad na hinatak ng PCG patungo sa shoreline of Brgy. Bagacay, Romblon, Romblon ang nasabing lumubog na bangka habang dinala ng mga tauhan ng coast guard ang mga mangingisda sa tanggapan ng Municipal Disaster Risk and Reduction Management Office sa Romblon at kasalukuyan na rin itong nasa mabuting kalagayan.