-- Advertisements --

CEBU – Nahaharap sa kasong paglabag sa Fisheries Code of the Philippines partikular na sa Section 101 o ang pangingisda sa loob ng Marine Sanctuary, ang dalawang mangingisda mula sa Bohol.

Arestado ng Lapu-Lapu City Police ang mga suspek na nagngangalang Romulo Abaya Tero, 43-anyos, at Sarle Curib Cutamora, 48, na parehong taga-Island Barangay ng Nasingin sa bayan ng Getafe, Bohol.

Nakuha ng otoridad mula sa mga ito ang kulay dark blue na whiptail stingray o pagi na may diametro na kahalintulad sa gulong ng dyip. Kabilang pa sa nasabat ang iba pang “marine catch” ng mga mangingisda.

Samantala, ikinalungkot ni Lapu-Lapu City Mayor Junard “Ahong” Chan ang naturang insidente.

Sa pamamagitan ng social media post, inihayag ng alkalde na isang paglabag sa National Law ang ginawa ng mga mangingisda.

Hadlang din ito sa pagkakataon sana ng mga turista at ng mga local divers na makakasaksi sa ganda ng mga yamang-dagat sa lugar.