CEBU CITY – Tinatayang umabot sa P12-million ang naitalang danyos sa sunog na tumupok sa isang 4-storey building sa Brgy. Sta. Cruz, lungsod ng Cebu.
Ayon sa imbestigador na si FO3 Emerson Arceo ng Cebu City BFP na isang sumabog na LPG tank mula sa isang canteen sa ground floor ang pinaniwalaang dahilan kaya sumiklab ang malaking apoy sa building na pinagmamay-ari ng pamilyang Espina.
Rumesponde agad ang mga bumbero nang matanggap nila ang alarma pasado alas-11 ng gabi at umakyat pa ito sa second alarm
Naapula naman ito bago mag-ala una ng madaling araw at walang nasugatan o namatay matapos ang insidente.
Samantala, inaalam pa ngayon ng mga imbestigador ang isa pang sunog na sumiklab mula sa isang carinderia sa Sitio Sewage, Brgy. Pusok, Lapu-Lapu City kaninang umaga.
Ayon sa Lapu-Lapu City BFP na apat na bahay ang nadamay sa nasabing trahedya ngunit naapula naman agad ito matapos rumesponde ang mga bumbero.
Kasalukuyang ina-assess ng City Government ang paunang tulong na ibibigay sa mga apektadong residente.