VIGAN CITY – Iniimbestigahan na ng mga otoridad ang nangyaring pamamaril sa Cubcubbuot, Candon City, Ilocos Sur kagabi na ikinamatay ng dalawang lalaking naglalaro ng “pusoy.”

Ang mga biktima ay nakilalang sina Ricardo Valdez Jr., 39-anyos, may-asawa at si Ernesto Valdez Gadut na kapwa residente ng Barangay Allangigan 1st, Candon City, samantalang ang suspek ay si Reynaldo Gamata, isang mekaniko na residente ng Lintic, Banayoyo, Ilocos Sur.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, nainis umano ang suspek nang mahinto ang paglalaro nila ng baraha o pusoy sa lamay ng kaniyang namatay na kamag-anak dahil sa mga biktima.

Dahil dito, nagtalo umano ang tatlo at posibleng dahil sa inis ay binaril ng suspek ang unang biktima na si Ernesto at isinunod si Ricardo na kaagad naitakbo sa ospital ngunit naideklerang dead on arrival.

Pagkatapos ng insidente ay tumakas ang suspek at hanggang sa ngayon ay hindi pa nakikita ng mga otoridad.