-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN -Dead on arrival ang dalawang kalalakihan matapos ang nangyaring aksidente sa kalsada sa Brgy. Ilog-Malino sa bayan ng Bolinao, Pangasinan na kinasasangkutan ng isang van at ng isang motorsiklo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PSSG Glenfrey Paragas, Investigator ng Bolinao Municipal Police Station, kinilala ang mga biktima na sina Carlos Miguel Carolino, 21-anyos, isang estudyante, at si Sonny Boy Pagud Donato, 30-anyos, at kapwa residente ng Brgy. Liwa-liwa sa parehong bayan.

Sa kanilang isinagawang imbestigasyon, lumalabas na bago nangyari ang insidente ay binabagtas ng mga biktima lulan ng kanilang motorsiklo ang provincial road patungong kanlurang direksyon, habang binabagtas naman ng isang van na minamaneho ni King John Paul Yap, 29-anyos, kasama ang pahenante nito na kanyang live-in partner na si Yasmeen Raymundo Uneta, 30-anyos, at kapwa residente ng Commonwealth Quezon ang parehong daan patungong silangang direksyon.

Nang makarating ang parehong sasakyan sa naturang barangay, ay bigla na lang nawalan ng kontrol sa manibela ang drayber ng motorsiklo na si Carolino na nagresulta naman upang agawin ng motorsiklo ang linya ng van at dito na nangyari ang salpukan.

Base naman sa salaysay ng mga saksi sa pangyayari, masyadong mabilis ang patakbo ng motorsiklo at pagdating nito sa may sharop curve ay dito na ito nang-agaw ng linya ng van.

Dahil dito ay nagtamo ng malulubhang sugat sa iba’t ibang parte ng kanilang mga katawan ang mga biktima.
Itinakbo pa sila sa pinakamalapit na pagamutan subalit dineklara rin silang dead on arrival.

Samantala, nagtamo naman ng kaunting galos ang drayber at pahinante ng van at itinakbo rin sila sa ospital.
Sa kasalukuyan ay nananatili sa kustodiya ng kapulisan ang drayber ng van.