Naharang ng Immigration authorities sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang dalawang South Koreans na pugante sa kanilang bansa.

Ayon kay BI Commissioner Jaime H. Morente ang mga suspek ay si Hong Chan Woo, 24 at Jun Juman, 36.

Ayon kay Atty. Rommel Tacorda, Border Control and Intelligence Unit (BCIU) chief, si Hong ay wanted sa mga otoridad sa Seoul dahil sa pagpalsipika ng mga private documents at dahil sa fraud.

Si Jun naman ay wanted dahil sa paglabag sa game industry promotion act sa Korea.

Nakakulimbat umano si Jun at mga kasabwat nito ng milyong won na kanilang idineposito sa kanilang bank accounts.

Ang mga banyaga ay parehong nasa wanted list ng Interpol na naaresto sa departure area ng NAIA Terminal 3.

Ang mga suspek ay dinala na sa detention sa Camp Bagong Diwa, Taguig City at sasailalim na sa deportation proceedings.