-- Advertisements --

Nasa bansa ngayon para sa isang “goodwill visit” ang dalawang warship ng Republic of Korea Navy (ROKN).

Binubuo ng 600 Korean navy personnel at 100 cadet ang Munmu – The Great (DDH-976) at fast combat support Ship Hwacheon (AOE-59).

Pinamumunuan naman ito ni Rear Admiral Yang Min Soo.

Sinalubong ng mga opisyal ng Philippine Navy ang foreign warships sa pamamagitan ng BRP Apolinario Mabini (PS36) sa Corregidor.

Isang welcome ceremony naman ang hinanda ng mga opisyal sa pangunguna ni Littoral Combat Force of the Philippine Fleet (PF), Commodre Rey Dela Cruz, sa Pier 15 ng Manila South Harbor.

Sa mensahe ni Dela Cruz sinabi nito na ang presensya ng dalawang barko ay patunay sa pagsisikap ng South Korea at Pilipinas na mapalakas ang ugnayan ng dalawang bansa.

Nagpasalamat naman sa mainit na pagtanggap ng Philippine Navy si Rear Adm. Yang at sinabing ang kanilang pagbisita ay nataon sa pagdiriwang ng ika-70 taon ng pagkakatatag ng diplomatikong ugnayan ng Pilipinas at Seoul.

Kinilala din ni Yang ang Philippine Navy bilang unang nagpadala ng mga tropang pang suporta sa Republic of Korea noong Korean war.

Ang Republic of Korea ang isa sa mga Defense partners ng Armed Forces of the Philippines sa isinusulong nitong modernization program.