CENTRAL MINDANAO-Dalawang lalake ang naaresto sa magkahiwalay na drug buybust operation ng mga otoridad sa Midsayap, Cotabato.
Unang naaresto ng mga kapulisan sa Brgy. Poblacion 2, Midsayap, Cotabato si Dennis Trestiza, 44 anyos at residente ng Brgy. Milaya sa bayan ng Midsayap.
Nakuha sa posisyon ng suspek ang isang maliit na pakete na pinaniniwalaang naglalaman ng shabu na may timbang na .05grams, isang keypad cellphone at P500 na marked money.
Samantala, naaresto naman ng mga kapulisan sa sumunod na operasyon sa Purok Bougainvillea, Brgy. Sadaan, Midsayap, Cotabato ang isang nagngangalang Rolando Sabanal Urboda Jr. alyas Jun-Jun, 38 anyos, walang asawa, walang trabaho na residente ng Brgy. Poblacion 6 ng nabanggit na bayan.
Nakumpiska sa suspek ang isang plastic sachet na pinaniniwalaang naglalaman ng shabu na may bigat na .05grams at ang P500 na marked money.
Napag-alaman na ito na ang ikalawang beses na nahuli si Urboda sa kaparehong kaso kung saan una siyang naaresto noong 2016 at nakalaya naman nitong 2019.
Ang dalawang suspek ay kasalukuyan nang nakapiit sa custodial facility ng Midsayap MPS at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.