-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Binawian ng buhay sa pamamaril ang dalawa katao sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang mga nasawi na sina Joven Pagsogiron, 45, may asawa at ang kanyang kapitbahay na si Jona Rafael, 43, may asawa, at mga residente ng Tulunan, North Cotabato.

Ayon sa ulat ng Makilala PNP, habang sakay ang mga biktima sa isang motorsiklo mula sa Kidapawan City at papauwi na sa kanilang tahanan ngunit pagsapit nila sa Purok Avocado, Barangay Libertad, Makilala, Cotabato ay bigla silang pinagbabaril ng mga hindi kilalang suspek gamit ang kalibre .45 na pistola.

Agad namang tumakas ang mga salarin lulan ng dalawang kulay itim na XRM 125 na motorsiklo.

Patay on the spot ang mga biktima na kapwa nagtamo ng maraming tama ng bala sa katawan habang nakaligtas naman ang isang babae na angkas ng motorsiklo nang ito ay tumakbo at humingi ng saklolo sa mga residente.

Bago pinagbabaril ang mga biktima ay nanggaling sila sa paglilitis ng isang kaso sa RTC-12 sa Kidapawan City kung saan sila tumestigo.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Makilala PNP sa pagpatay sa mga biktima at may mga person of interest na raw silang sinusundan sa krimen.