Dalawang kasong graft ang isinampa ng Office of the Ombudsman laban kay dating Quezon City mayor Herbert Bautista sa Sandiganbayan na kinasasangkutan ng dalawang proyekto ng gobyerno noong 2019.
Pinangalanan si dating city administrator Aldrin Cuña bilang co-accused sa parehong mga kaso na inaprubahan ni Ombudsman Samuel Martires noong Peb. 3, 2023.
Ang unang kaso ay ang pagpapalabas ng buong bayad na P32.107 milyon sa isang IT firm para sa pagkuha ng online occupation permitting and tracking system at iba pa.
Nakipagkontrata umano si Bautista sa kompanya at inaprubahan ang paglalabas ng buong bayad sa kabila ng kawalan ng partikular na ordinansa sa paglalaan na pinagtibay ng Sangguniang Panglungsod.
Sinabi rin ng Ombudsman na nilagdaan ni Cuña ang purchase request na nagpapatunay na ang singil sa appropriation ay ayon sa batas at nasa ilalim ng kanyang direktang pangangasiwa.
Ang ikalawang kaso ng graft ay nagsasangkot naman ng pagbabayad ng buong halaga na P25.342 milyon sa isa pang kumpanya para sa pag-install ng solar power system at waterproofing works para sa isang civic center building.
Sinabi ng Ombudsman na nilagdaan ni Bautista ang disbursement voucher na nag-aapruba sa pagbabayad ng halaga kahit na nabigo ang kumpanya na makakuha ng net metering system mula sa Meralco habang si Cuña ay nagbigay ng certificate of acceptance.
Ang bail bond na inirekomenda ng Ombudsman para sa bawat isa sa dalawang kasong graft ay P90,000 para sa mga akusado.