-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Bumagsak na sa kamay ng pulisya ang dalawang miyembro umano nang naipasarang Kabus Padatoon (KAPA) Community Ministry International Incorporated.

Kinilala ni Gingoog City Police Station deputy commander Lt. Melvin Mangahas ang mga naaresto na si Gina Labis, 45-anyos, may asawa at taga-Barangay 17 na residente sa lugar; at Martin Alarcon, nasa legal na edad na taga-bayan naman ng Claveria na nakabase lahat sa lalawigan.

Ang pagdakip sa kanila ay dahil sa pending warrant of arrest para sa kasong syndicated estafa sa Gingoog City, Misamis Oriental.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Mangahas na unang nagsagawa ng joint operations ang Gingoog at Caraga-Philippine National Police (PNP) dahil sa umano’y car rent-tangay na modus operandi ni Labis kaya pinaghahanap hanggang sa natunton at nahuli.

Sinabi ng opisyal na natuklasan na nagsilbing empleyado at miyembro ng KAPA ang dalawa na kabilang sa kasong syndicated estafa na kinaharap ng grupo ni Apolinario.

Inamin din naman umano ng mga akusado na totoong miyembro sila ng KAPA at direktang contact ni Apolinario na nakabase sa Gingoog City.

Kung maaalala, una nang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa National Bureau of Investigation at PNP-Criminal Investigation and Detection Group na buwagin ang KAPA.

Ito’y dahil hayagan ang panloloko sa mga tao na ilang taon nang tinatalakay ng Bombo Radyo Philippines sa rehiyon ng Mindanao.