ILOILO CITY – Iniimbestigahan na ng Commission on Elections (Comelec-Iloilo) Province ang dalawang kandidato na tumungo sa Comelec office upang mag-file ng Certificate of Candidacy (CoC) habang sumasailalim pa sa quarantine at hindi pa lumalabas ang resulta ng kanilang reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) test.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Elizabeth Doronila, Comelec Provincial director, sinabi nito na Oktubre 5 nang mag-file ng CoC ang isang kandidato mula sa Pavia, Iloilo kahit na naka- home quarantine ito at hinihintay pa ang resulta ng kanyang swab test.
May isang kandidato naman sa Balasan, Iloilo na personal na naghain ng kanyang CoC kahit naka-strict quarantine.
Ayon kay Doronila, maliwanag na lumabag ang dalawa sa minimum public health standards.
Pahayag nito , matagal na silang nagpaalala na maaring makapaghain ng CoC sa pamamagitan ng isang authorized representative.
Dahil sa ginawa ng dalawang kandidato, maari silang masampahan ng kaso kapag nagpositibo ang mga ito sa virus at kapag may nahawaan na mga election officer.