-- Advertisements --

Sasailalim sa home quarantine ang ilang mambabatas at miyembro ng Gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos na ianunsyo kagabi ni House Appropriations Committee chairman Eric Yap na nagpositibo siya sa COVID-19.

Sinabi ni Minority Leader Bienvenido Abante Jr. na bagama’t wala naman siyang personal contact kay Yap, at maayos naman ang kanyang kalusugan sa ngayon, bilang precautionary measure ay sasailalim siya sa self-quarantine kasama ang kanyang mga kaanak para maiwasan na rin ang posibleng paghawa sa iba.

Para makatulong sa Department of Health (DOH), inatasan na rin niya ang kanyang staff na magsagawa ng contact tracing sa lahat ng kanyang mga nakahalubilo sa mga nakalipas na araw.

Nakasama pa kasi ni Abante si Yap sa special session ng Kamara nitong Lunes, Marso 23, 2020, lamang nang talakayin nila ang special powers na iginawad kay Pangulong Rodrigo Duterte sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Nagdesisyon na ring mag-self quarantine si Sen. Bong Go matapos namang makasama si Yap sa pagpupulong nila sa Malacanang noong Sabado, Marso 21, 2020.

“Wala naman po akong nararamdamang sintomas ng sakit. But since protocol requires that those who were directly exposed to persons positive for COVID-19 need to undergo self-quarantine, I am left with no choice but to comply,” ani Go.

Ganito rin ang gagawin nina Budget Secretary Wendel Avisado at Social Welfare Secretary Rolando Bautista, batay sa inilabas nilang mga pahayag.

“Nakasama namin siya although wala naman kaming direct contact but just the same mag-another round na naman po ako ng self-quarantine po as a precautionary measure po,” ani Avisado.

Bagama’t naka-home quarantine, sinabi ng mga opisyal na patuloy nilang gagampanan ang kanilang mandato.