Sumiklab ang dalawang (2) sunog sa kagubatan ng Iwate Prefecture, Japan na nagumpisa noong Miyerkules kung saan umabot na sa 1,176 ektarya ang lawak ng sunog hanggang nitong Biyernes ng umaga (local time) dahilan para ilikas ang mahigit 1,000 residente.
Nabatid na naganap ang sunog sa Kozuchi district ng bayan ng Otsuchi bandang ala-1:50 ng hapon.
Mabilis itong kumalat at naapektuhan ang ilang gusali pati na ang kalapit na kagubatan.
Ilang oras matapos nito, isa pang sunog ang sumiklab sa bulubunduking bahagi ng Kirikiri district, kung saan nasa humigit-kumulang 10 kilometro ang layo mula sa unang nasunog na kagubatan.
Dahil sa panganib, pinayuhan ng lokal na pamahalaan ang mga residente mula sa 566 kabahayan na lumikas, partikular ang mga nakatira malapit sa ikalawang lugar na nasunog.
Sa kabila ng insidente, wala pang naitatalang nasawi o nasugatan.
Nauna nang nagbabala ang weather observatory sa lugar tungkol sa tuyong hangin at malalakas na hangin, na posibleng nagpalala sa pagkalat ng apoy.
Ayon sa ulat, isang 61-anyos na residente na lumikas kasama ang kanyang pamilya, ang nagsabing dalawang sunog ang nangyari sa magkaibang lugar.
Ipinahayag din niya ang kanyang pag-aalala sa kalagayan ng kanilang tahanan.












