BAGUIO CITY – Hindi pa rin nahahanap hanggang sa ngayon ang dalawang kabataan na nawawala sa Wangal, La Trinidad, Benguet sa kasagsagan ng habagat noong nakaraang linggo.

Nakilala ang mga nawawala na sina Harley Diplat Rufino, 16, at Rommel Alsem Tadena, 17.

Sa kabila nito, sinabi ni La Trinidad Municipal Disaster Risk Reduction Officer Yoshio Labi na umaasa pa rin ang mga otoridad at mga pamilya na matatagpuan ang dalawang kabataan.

Sinabi ni Labi na kanilang bineberepika kung pagmamay-ari ng mga nawawala ang jacket na natagpuan sa gilid ng ilog kung saan pinaniniwalaan na nawala ang mga ito.

Ayon pa kay Labi, gumagamit na rin sila ng mga K9 dogs sa paghahanap kina Rufino at Tadena habang nagsagawa na ng kinaugaliang ritwal ang kanilang pamilya.

Noong August 14 ay nakita na lamang ng isang residente ang motorsiklo na ginamit ng dalawang kabataan sa gilid ng ilog sa Lower Wangal at mula noon ay hindi na sila nakita.