LEGAZPI CITY- Natanggap na ng pamahalaang panglalawigan ng Albay ang nasa 2,000 pakets ng vegetable seeds mula sa University of the Philippines Los Baños (UPLB) at nakatakdang ipamahagi sa mga magsasaka at evacuees sa lalawigan.
Ayon kay Albay Assistant Provincial Agriculturist Daryl Buesconsejo sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, hindi pa nagkakaroon ng aktibidad ang Bulkang Mayon ay may nakalaan na talagang mga pananim para sa lalawigan at napapanahon naman ang paghahatid nito upang mapakinabangan ng mga residente.
Ang naturang mga binhi ay mga gulay na mabilis aniyang tumubo kaya mabilis ding maaani.
Gagamitin ang naturang mga vegetable seeds sa planong communal garden sa mga evacuation centers upang may pagka abalahan ang mga evacuees sa pananatili nila sa evacuation centers.
Dagdag pa ni Buesconsejo na isinailalim na sa training ang mga evacuees upang maipabatid sa mga ito ang tamang paraan ng pagtatanim at pagpupunla ng naturang mga binhi.
Samantala, patuloy pa rin ang pagbili ng provincial government ng inani na gulay ng mga magsasaka mula sa 6 km permanent danger zone upang hindi na mahirapan ang mga ito sa pagbebenta ng kanilang mga produkto.
Nilinaw rin ng opisyal na ang pag-ani lamang ang pinapayagan nila at hindi muna inaabiso ang muling pagtatanim sa loob ng danger zones dahil na panganib na dala ng aktibidad ng bulkang Mayon.