-- Advertisements --

Arestado ng National Bureau of Investigation – Mandaue City ang dalawang indibidwal dahil sa ilegal na pagdetain ng isang Chinese national sa isang pribadong subdivision nitong lungsod ng Cebu.

Kabilang sa mga hinuli ay ang isang Pinoy na nagsisilbing drayber ng suspek na isa pang Chinese national at nagsilbing manager ng isang scamming firm.

Inihayag ni Bienvenido Panican, Executive Officer for operation ng National Bureau of Investigation – Mandaue City na idinetain noong Setyembre 5 ang biktima at noong Setyembre 20 lang natunton at narescue sa pamamagitan ng isinagawang surveillance operation at tulong ng live-in partner ng dayuhan.

May bakas pa ng pasa ang katawan ng biktima gawa ng pinaso ito, kinuryente at pinalo kung saan nang isinagawa ang operasyon ay natagpuang mga computer setup at may iba pa itong mga kasamahan nagtatrabaho din bilang scammers.

Batay sa impormasyon, gusto ng kumalas ng biktima at tumigil sa ilegal na gawain na pangscam ng kapwa Chinese nationals sa ibang bansa kaya ito tinorture.

Modus pa umano ng mga ito ang kapareho sa online shopping apps kung saan kapag nagbigay na ng bayad ang umoorder ng produkto ay hindi na idideliver ang inorder.

Sinabi pa ni Panican na binibigyan ang mga ito ng quota at kapag di naabot ay doon na nangyayari ang pang-aabuso.

Hindi naman masasabi ni Panican na malalaking sindikato ito dahil maliit lang ang volume ng mga empleyado nang isinagawa ang operasyon.

Patuloy naman ang isinagawang case buildup ng mga otoridad upang matukoy kung sino ang operator ng online scam.

Nahaharap naman ang mga naarestong suspek sa kasong serious illegal detention, illegal possession of firearms at violation of COMELEC gunban.