-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nangako ang Department of Interior and Local Government (DILG) – Regional Office 5 na babaguhin ang datos nilang hawak kaugnay ng listahan ng mga lokal na pamahalaang hindi nakasunod sa panawagan ng pangulong paglilinis ng public roads sa bansa.

Umalma kasi ang mga alkalde ng Bato, Catanduanes at San Fernando, Masbate matapos mapabilang ang kanilang mga bayan sa 10 munisipalidad at siyudad na nasa listahan ng mga may gradong “failed.”

Hinamon ng paliwanag ni Bato Mayor Juan Rodulfo ang DILG dahil mataas naman daw ang kanilang nakuhang marka sa natanggap nilang kopya ng listahan.

Sa panayam ng Bombo Radyo inamin ni DILG-Bicol director Anthony Nuyda na palaisipan din sa kanilang hanay ang hindi tugmang mga dokumento.

Agad naman daw nilang ipasusuri sa mga opisyal ang resulta matapos mabatid na isa lang mula sa dalawang pahinang validation report ang natanggap ng Bureau of Local Government Supervision nito.