Dalawang EDCA sites ang ginamit bilang staging area para tumulong sa search and rescue operations para sa apat na nawawalang tao sa Tubbataha, Palawan, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa isang pahayag, sinabi ng AFP na tatlong air asset na nakatalaga sa Antonio Bautista Air Base sa Puerto Princesa, Palawan at Benito Ebuen Air Base sa Mactan, Cebu ang ginamit para sa search and rescue operations.
Ang mga lokasyon ng EDCA na ito ay ginamit ayon sa kahilingan ng gobyerno ng Pilipinas.
Kung matatandaan, ang apat na nawawalang tao ay mula sa dive yacht na M/Y Dream Keeper, na lumubog sa Tubbataha noong Linggo.
Ito ay ang dive master, ang may-ari ng yate, at dalawang pasahero.
Kaugnay niyan, dalawampu’t walong tao ang nailigtas mula sa nasabing aksidente.
Bilang tugon sa insidente, ipinakalat ng AFP Western Command (WESCOM) ang barko ng Philippine Navy na BRP Carlos Albert.
Una na rito, ginamit din ng Western Command ang Philippine Air Force Sokol helicopter nito at Philippine Navy AW109E helicopter para dagdagan ang search and rescue operation.










