Arestado ang dalawang drug suspect sa magkaibang buy bust operation na ikinasa ng mga pulis sa Lungsod ng Taguig.
Ayon kay National Capital Region Police Office Chief M/Gen. Vicente Danao, nagkasa ng operasyon sa isang restaurant sa bahagi ng MLQ Street sa Barangay New Lower Bicutan, nitong Biyernes ng gabi.
Target ng mga operatiba ang isang babaeng suspek na “pusher” umano sa lugar.
Matapos ang bentahan ng shabu sa tinatawag na poseur buyer, agad na dinakip ang babae.
Nakuha sa suspek ang isang pambatang bag kung saan nakasilid ang mga sachet ng hinihinalang shabu.
Nasa 145 gramo ang mga droga na may street value na P918,000.
Samantala, nagkasa rin ng buy bust operation ang Taguig-Philippine National Police sa may Manalo Street, Barangay Upper Bicutan.
Dito ay huli naman ang isang lalaking drug suspect.
Nakuha sa kaniyang posisyon ang isang medium-sized na plastic sachet na may 50 grams ng shabu na nagkakahalaga ng P340,000.
Nakumpisa rin ang isang baril at mga bala.
Sinabi ni Danao, mahigit P1.2 million ang halaga ng mga iligal na droga na nasabat sa dalawang suspek na ngayo’y nakakulong na sa Taguig City Police Station.
Sa kabilang dako, pinuri ni Southern Police District Director B/Gen. Jimili Macaraeg ang kanilang mga tauhan sa matagumpay na operasyon.
Siniguro ni Macaraeg na hindi sila titigil hangga’t hindi nauubos ang mga nasa likod ng mga illegal drug trade.