-- Advertisements --

Patay ang dalawang hinihinalaang drug suspek matapos manlaban umano sa mga pulis sa magkahiwalay na buybuts operation na ikinasa ng Bulacan PNP laban sa iligal na droga sa Bulacan, Sabado ng gabi.

Nabaril at napatay ang suspek na kinilalang si Julius Navarro sa ikinasang operasyon sa Barangay Bambang, Bulakan.

Ayon kay Police Senior Master Sergeant Cesar Garcia, imbestigador ng Bulacan Police Station na nasa drugs watch list ang suspek na si Navarro.

Nakatanggap kasi ng impormasyon ang mga pulis hinggil sa pagtutulak ng suspek.

Nang malaman ng suspect na pulis pala ang kanyang katransaksyon, bumunot umano ito ng baril at agad na pinaputukan ang mga pulis na nagpanggap na buyer.

Gumanti naman ng putok ang mga pulis dahilan sa pagkamatay ng suspek.

Narekober sa crime scene ang .38 caliber na revolver na ginamit ng suspek.

Nasa 18 sachet ng marijuana, 10 sachet ng shabu, cellphone, pera, P1,000 marked money, at drug paraphernalia ang nakuha sa posisyon ni Navarro.

Samantala, sa bayan naman ng San Rafael sa Brgy. Sampaloc ay patay din ang drug suspek na nakilalala sa alyas na Alphie, makaraang paputukan ng baril ang mga awtoridad na kanyang katransakyon sa iligal droga.

Nakuha sa crime scene ang ilang sachet ng shabu, caliber .38 revolver, mga bala, drug paraphernalia at marked money.