BAGUIO CITY – Naholdap ang dalawang dalaga habang binibilang nila ang kanilang koleksiyon sa loob ng isang tindahan sa bayan ng La Trinidad, lalawigan ng Benguet kamakalawa.

Nakilala ang mga ito na sina Deloka Ma-anao, 18, kahera, at si Choaylyn Madiano, 18, sales lady, parehong residente ng La Trinidad, Benguet.

Ayon sa La Trinidad PNP, binibilang ng mga biktima ang kanilang koleksiyon nang biglang pumasok ang tatlong mga hindi pa nakikilalang kalalakihan na pawang mga naka-face mask.

Nagdeklara ng hold-up ang mga suspek bago nila tinutukan ng baril ang dalawang biktima.

Kinuha ng mga suspek ang collection ng mga biktima na aabot sa P64,000 bago sila tumakas.

Nakatakda na ang pagsusuri sa video footages ng CCTV camera sa nasabing tindahan.